4 Caloocan employees, kinasuhan ng cyber libel
MANILA, Philippines — Kinasuhan ni Caloocan City 2nd district Congressman Edgar Erice ng kasong cyber libel ang apat na kawani ng pamahalaang lungsod matapos itong gumawa ng social media meme gamit ang pekeng quote mula sa mambabatas.
Paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Law ang isinampa ni Erice sa Quezon City Prosecutors Office laban kina Marilou Santos Concon, Yvette Mari Cruz Hedreyda, Bernadette Belga Ignacio at Genevive Lyn Gozon Pineda na pawang empleyado ng lungsod na nakatalaga sa Community Relations Office, kaugnay ng mapanirang paglalathala ng mga ito sa kanilang Facebook page.
Sa inilabas na publication material ng mga kinasuhan, ginamit umano ng mga ito ang larawan ni Erice kasama ng isang hindi kilalang kausap “kunwari ng mambabatas.”
“Ah sir, may katanungan lang po ako sa iyo, ano pong strategy para manalo kayo sa eleksiyon?” , tanong ng nakatalikod na kausap ng kongresista.
Nilagyan din ng mga kawani ng sagot mula kay Erice ang tanong na hindi naman totoong nagmula sa mambabatas na ganito ang linya: “Sa totoo lang, wala kaming maisip na idea or strategy eh...kasi hindi namin kaya siyang mapabagsak..sa tingin ko, para manalo ako, alam naman natin pera lang katapat ng ilang tao ngayon so siguro dun ko na lang dadaanin at sa pagpapakalat ng fake news laban sa kanya.”
Ayon kay Erice, kailan man ay wala siyang inilabas ng ganyang pahayag sa kahit anong forum o interview kaya maliwanag na pagsira sa kanyang pagkatao ang layunin ng malisyogong social media post ng mga empleyado.
Bagama’t sa Caloocan ginawa ang krimen, sinabi ni Erice na nagdesisyon siyang isampa ang kaso sa Quezon City dahil bukod sa nasa lungsod ang kongreso na kanyang opisina, sinasabi rin sa Cyberlibel na accessible kahit saan ang malisyosong online post ng mga inaakusahan kaya walang prohibisyon kung saan man niya idemanda ang mga kawani.
Sa ilalim ng cyber liber law, ang sinumang mapapatunayang guilty ay posibleng makulong ng anim na taon at isang araw hanggang walong taon o prison mayor na posible ring lumawig hanggang sampung taon.
- Latest