Higit 50 rider tinikitan
Sa pagsusuot ng ‘nut shell’ na helmet
MANILA, Philippines — Mahigit sa 50 motorcycle rider ang pinagtitikitan ng mga tauhan ng Inter-Agency Council Traffic (I-ACT) dahil sa hindi pagsunod at pagsusuot ng standard na helmet sa isinagawang operasyon sa may Cayetano Blvd. sa Taguig City, kamakalawa.
Kasabay nito nagpaalala naman ang I-Act sa mga rider na ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan.
Napag-alaman na karamihan sa mga suot ng mga tinikitan ay mga ‘nut shell’ helmet na hindi angkop sa rider kundi sa mga biker at mga nag-i-skateboard.
Tinatawag itong ‘nut shell’ na kalimitan ay tinatakpan lang nito ang itaas na bahagi ng ulo. May mga butas din ito at wala pang visor para sa mukha.
Bukod sa hindi ito pasok sa panuntunan ng Department of Trade and Industry para sa tamang helmet, mapanganib din ito para sa mga nagmomotorsiklo dahil hindi protektado ang buong ulo sa mabilis na takbo ng sasakyan.
Sinabi pa ng I-ACT na karamihan pa sa mga nahuli ay empleyado sa lungsod.
Sa ilalim ng (RA 10054 o) Motorcyle Helmet Act of 2009, pwedeng pagmultahin nang mula P1,500 hanggang P10,000 ang mahuling hindi nakasuot ng standard helmet.
Kasama naman ang LTFRB sa operasyon na nag-impound din ng 5 sasakyan kabilang ang 4 na van na umano’y colorum at isang jeep na walang QR code na hinihingi para pumasada.
- Latest