Minors bawal muna sa Luneta
MANILA, Philippines — Kung noong nakaraang Pasko ay pinayagan pang makapasok sa Luneta ang mga menor-de-edad basta’t kasama ang mga magulang, kahapon nag-abiso na ang pangasiwaan ng parke na hindi na papayagang makapamasyal sa Luneta ang kabataan dahil na rin sa pag-iingat na mas madagdagan pa ang bilang ng nakakaroon ng coronaviruis disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Rizal Park Administrator Cecille Lorenzana Romero na kahit pinayagan pa nila na makapamasyal noong Pasko ang minors sa Luneta ay sinimulan na nila itong ipagbawal kahapon matapos mapagdesisyunan ng kanilang pamunuan at sa pakikipag-ugnayan sa Manila City Government.
Mayroon umanong pami-pamilya na nagtutungo kasama ang mga bata na dumagsa nitong araw ng Pasko subalit dahil sa pagdagsa mas mabuting huwag na umanong payagang may mga batang makapasok sa Luneta lalo’t may bagong strain pa ng virus sa ibang kalapit na bansa at sa pagtaas na rin ng mga bagong kaso.
Kung tutuusin, aniya, nasa 30,000 naman ang kapasidad ng Luneta park na malayo naman sa pinapayagang bilang na maari ngayong makapasok sa Luneta na 2,000 lamang sa bawat pagkakataon pero nagdesisyon na rin na ‘wag nang papasukin ang mga menor-de-edad para na rin sa kanilang kaligtasan..
Hindi rin pinapayagan ang mga vendor na makapasok sa parke.
Nitong Disyembre 25, nasa 4,000 katao ang bumisita sa parke na kinailangan pa nilang pumila para sa pagkuha ng body temperature bago makapasok.
Kasabay nito, sinabi rin ni Romero na walang magaganap na anumang events sa darating sa paghihiwalay ng taon at Bagong Taon tulad ng nakagawiang fireworks displays upang hindi na dagsain ng tao na magreresulta sa mass gatherings.
“Wala kaming event ngayong New Year. Tahimik ang Bagong Taon ngayon sa Luneta, walang fireworks,” aniya.
- Latest