Cong. Malapitan itinalagang head ng HRET
MANILA, Philippines — Hinirang si Congressman Gonzalo Dale “Along” Malapitan, kinatawan ng unang distrito ng Caloocan City bilang pinuno ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Ikinagalak ni Cong. Malapitan ang pagkakapili sa kanya ni House Speaker Lord Allan Velasco na aniya’y nagpapakita ng tiwala ng Kamara de Representante, sa mambabatas.
Inaasahang mangunguna si Cong. Malapitan sa mga atas na tungkulin ng HRET kaya’t tiniyak niyang ipatutupad ang “pagiging patas at mabilis ng mga aksyon at pasya” sa mga kasong hahawakan ng naturang Tribunal sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ayon sa Konstitusyon, ang siyam (9) kataong HRET ay binubuo bilang natatanging korte na kinabibilangan ng tatlong (3) Hukom ng Korte Suprema at anim (6) na miyembro ng Kamara de Representante mula sa mga partido pulitikal sa loob ng Kamara.
Dinidinig at pinagpapasyahan dito ang mga inihahapag na kasong kinasasangkutan ng sinumang Kongresista sa bansa, kaugnay ng eleksyon.
Sa loob ng 18th Congress, itinalaga ni Speaker Velasco, nanungkulan mula nitong Oktubre, si Cong. Malapitan upang pangunahan ang Tribunal.
Naglilingkod katuwang ang kanyang amang si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ng ‘Tao Ang Una’ Party,’ napapabilang naman si Cong. Along Malapitan sa Partido Demokratikong Pilipino (PDP) Laban Party sa pambansang antas.
- Latest