Motorcycle taxis umarangkada na sa kalsada sa Metro Manila
DOTr nagpaalala sa mga patakaran
MANILA, Philippines — Kasunod nang muling pag-arangkada kahapon ng pilot testing ng mga motorcycle taxis, pinaalalahanang muli ng Department of Transportation (DOTr) ang mga operator nito hinggil sa mga bagong guidelines na dapat nilang sundin.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddes Libiran, may mga patakarang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na kinakailangang sundin ng mga operators sa kanilang pagbiyahe muli sa mga lansangan.
Aniya, kabilang dito ang pagsailalim sa swab tests ng mga riders, paglalagay ng barriers sa kanilang motorsiklo, implementasyon ng cashless transactions at pagdadala ng sariling helmet ng mga pasahero.
“Unang-una roon kailangan siyempre ‘yung kanilang mga riders ay nag-undergo ng swab tests, siyempre ready din sila sa barriers, ‘yung pag-implement ng cashless transactions, and ‘yung bring your own helmet policy,” pahayag ni Libiran, sa panayam sa telebisyon.
Nabatid na hanggang nitong nakalipas naman na linggo ay sinimulan na ng motorcycle taxi operators ang pag- swab test sa kanilang riders.
Layunin nitong matiyak na negatibo ang mga ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) bago sila bumiyahe muli.
Matatandaang una nang pinahintulutan ng pamahalaan ang pagpapatuloy ng pilot testing ng motorcycle taxis.
Sinabi naman ni DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor na ang naturang pilot testing ay posibleng tumagal ng mula tatlo hanggang anim na buwan, tulad rin ng initial pilot run na sinimulan noong taong 2019.
Kabilang sa mga motorcycle taxis na kasama sa pilot testing ay ang Angkas, JoyRide at MoveIt.
- Latest