Food Panda riders, nagprotesta
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng kilos-protesta ang nasa 50 riders ng Food Panda sa harapan ng gusali ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang ireklamo ang hindi umano makatwirang labor policy ng naturang kompanya.
Alas-9 ng umaga nang mag-umpisa ang protesta ng mga food riders na suot ang kanilang rosas na uniporme at sakay ng kanilang mga motorsiklo sa DOLE building sa Intramuros, Maynila.
Kabilang sa reklamo nila sa pamunuan ng Food Panda ang maliit na halaga ng komisyon na ibinibigay sa kanila ng kompanya dahil sa hindi umano patas na ‘grading system’ na ipinatutupad nito.
Lumikha ng mabigat na trapiko ang isinagawang protesta ng mga riders dahilan para pumagitna na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakiusap sa mga riders na maging mahinahon. Sa pahayag naman ng Food Panda, naipasabi na nila ang pagbabago sa sistema ng kanilang komisyon noong Hunyo pa. Ibinabase umano ito sa distansya ng paghahatiran ng food order na mas patas sa bawat rider base sa konsumo ng kanilang gasolina.
Sa kabila nito, nangako ang kompanya na hahanap ng mga pamamaraan para matugunan ang reklamo ng kanilang mga riders. Samantala, nangako naman si Labor Secretary Silvestre Bello III na makikipagkita sa mga riders at tatalakayin ang kanilang mga hinaing.
- Latest