P3.9 milyong high grade marijuana nasabat
MANILA, Philippines — Matapos ang pagkakaaresto sa umano’y supplier ng droga sa Valenzuela City, nasabat ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) ng mahigit sa P3.9 milyong halaga ng high grade marijuana sa ginawang operasyon sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng hapon.
Iprinisinta ni NPD District Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang nasamsam na pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 33 kilo kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Debold Sinas, kasama ang dalawang naarestong suspek na sina Joseph Becona, 24, ng 283 Purok Maligaya 2, Mambungan at Idilio Saldana, 59, production supervisor ng 239 San Jose St. Antipolo City.
Bago ang pagkakaaresto ng dalawa, unang nadakip ng mga operatiba ng NPD-District Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni Capt. Ramon Aquiatan, Jr. sa buy-bust operation sa McArthur Highway sa Valenzuela City noong Biyernes ng gabi si Josephat Velarde, 29, at nakuha sa kanya ang high grade marijuana at kush na umaabot lahat sa P237,000 ang halaga.
Ayon kay NPD-DSOU chief Lt. Col. Giovanni Hyacinth Caliao I na nangasiwa ng operasyon, sinabi sa kanila ni Velarde ang pangalan ng kanyang supplier mula sa Antipolo City na naging dahilan upang atasan niya si Capt. Aquiatan na magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaresto kay Becona at Saldana.
Sinabi ni Caliao na sumang-ayon ang mga suspek na bentahan ng P40,000 halaga ng high grade marijuana ang isang undercover police dakong alas-12:20 ng hapon sa Sumulong Highway, Antipolo City.
Nakumpiska sa mga suspek ang 33 kilong marijuana at fruiting tops na may presyo na P3,960,000.00, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at 39 pirasong boodle money, cellphone at motorsiklong walang plaka na gamit nila sa delivery ng droga.
- Latest