10 high-profile inmates sa Bilibid patay sa COVID-19!
MANILA, Philippines — Sampung high-profile inmates kabilang ang kontrobersiyal na si Jaybee Sebastian, ang namatay sa COVID-19 habang nakapiit sa Building 14 ng New Bilibid Prison-North, Maximum Security Compound, nitong Hulyo 18.
Ayon sa nakalap na dokumento, sinertipikahang ‘dead-on-arrival’ noong Hulyo 18, 2020 dahil sa “Acute Myocardial Infarction, COVID-19” si Sebastian, 40.
Dumaan din sa ID Section para sa fingerprint identification ang bangkay ni Sebastian at nilagdaan ng Fingerprint Examiner.
Sa hiwalay na impormasyon, ang labi ni Sebastian ay dinala kamakalawa ng gabi sa Panteon de Dasmariñas sa Cavite kung saan siya agad na na-cremate.
Bukod kay Sebastian, kinukumpirma rin ang iba pang high profile inmates o person deprived of liberty (PDL) na namatay diumano sa COVID-19 na kinabibilangan ng 6 na Chinese national, isang Muslim na bigtime druglord ng Pasig at 2 pang Filipino na umano’y naipacremate na ang iba, at nailibing sa Dasmariñas, Cavite at sa Manila North Cemetery.
Pawang mga nakaditine sa Building 14 ang 10 nasawi kung saan ipinalipat ang tinatawag na Bilibid 19 na karamihan ay sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa at ilan ay mga Chinese nationals.
Walang inilalabas na ulat ang Muntinlupa Police hinggil sa report na namatay na si Sebastian at ang iba pang inmates.
Si Sebastian na convicted sa kasong kidnap-for-ransom at carjacking, ay isa sa state witness laban kay Sen. Leila De Lima na nakasuhan kaugnay sa illegal drug trade sa NBP nang siya ay Justice secretary.
Kaugnay nito, ipinatawag ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Bureau of Customs Director General Gerald Bantag upang magpaliwanag at berepikahin sa kanya ang napaulat na pagkamatay ng 10 high-profile inmates sa Bilibid kabilang na ang kontrobersyal na si Sebastian.
“I have summoned BuCor (Bureau of Corrections) Director Gerald Bantag to my office tomorrow. We will find out,” ayon kay Guevarra.
“Rest assured that the bureau of corrections is doing its best to address this pandemic. In fact, we have a high rate of recovery and we are glad to report to the public that all our interventions appear to be doing well and effective,” ayon sa pahayag.
- Latest