Nang-hostage ng doktor sa East Ave. Medical Center nagpositibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Nagpositibo sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) ang security guard na nambihag ng isang doktor sa East Avenue Medical Center (EAMC) noong ika-1 ng Hulyo, ayon sa mga ulat ngayong Biyernes.
Ang balita ay kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Debold Sinas. Dahil diyan, quarantine ang bagsak ng 10 pulis na nakasalamuha ng suspek na si Hilarion Achondo nitong Miyerkules.
JUST IN| Nagpositibo sa COVID-19 ang security guard na nang-hostage ng doktor sa East Avenue Medical Center noong Miyerkules, ayon kay NCRPO chief Debold Sinas. Naka-quarantine na ang 10 pulis na nakasalamuha ng suspek. pic.twitter.com/OWx2l3cP19
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) July 3, 2020
Matatandaang hinostage ni Achondo, 51-anyos, ang isang doktor, 21-anyos, bago mag-6:00 a.m. nang umaga sa emergency room ng EAMC.
Basahin: Sekyung nagpapagamot nang-hostage ng doktor sa East Ave. Medical Center
Nadisgrasya kasi sa motorsiklo si Achondo kung kaya't kailangang magpa-ospital. Lumalabas na abala sa pag-aasikaso ng ibang pasyente and doktor nang biglang tutukan ng hiringgilya ng sekyu ang doktora sa leeg.
Agad namang naaresto ng pulisiya si Achondo matapos ang ilang minutong pakikipagnegosasyon ni Police Staff Sergeant Bienvenido Ribaya III.
"Nagkataon na maraming pasyente. Actually, bago nga siya i-turn over sa amin, talagang ginamot siya," saad ni Police Major Elmer Monsalve.
"Inaasikaso talaga... Walang hindi inaasikaso sa ospital noon. Kaya lang, sa dami naman noon, may kanya-kanyang turn kayo. Kaya nga kayo nakapila."
Kahit COVID-19 positive pala, makikita sa video na yakap-yakap ni Achondo and doktor habang tinututukan ng karayom sa leeg.
Sa ulat ng dzBB, sinabing nagreklamo hinggil sa paninikip ng dibdib si Achondo dahilan para dalhin siya sa Quirino Memorial Medical Center. Doon na nga lumabas na COVID-19 positive siya sa kanyang swab test.
Tinitignan din ngayon ang mga nakasamang pulis ng suspek kung na-contract nila ang nasabing nakamamatay na virus. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5
- Latest