NBI pinuri ang homeowner association sa Parañaque
MANILA, Philippines — Pinuri ng National Bureau Investigation ang mga opisyal ng Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHAI) sa Parañaque sa matagumpay na pagbuwag sa isang underground na klinika na pinatatakbo ng mga Chinese nationals sa loob ng subdivision.
Pinasalamatan din ni Ross Jonathan Galicia, Commander ng NBI Task Force Commander, ang 35 na seguridad ng MVHAI para sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon at eksaktong lokasyon ng underground clinic sa loob ng isang bahay sa Timothy St., na sinalakay noong Mayo 29.
Arestado sa isinagawang operasyon ang mga Intsik na sina Liang Junshai, Pingqiang Long, Yanyun Jiang, at Tang Hong Shan, na nagpatakbo sa klinika na walang permit mula sa pambansa at lokal na pamahalaan.
“Such show of support and cooperation with the operatives of NBI-Task Force Against Illegal Drugs in carrying their mandate exemplified the true qualities of a security officers whose professionalism and dedication to service is worthy of recognition and emulation,” ani Galicia.
Sinabi naman ni Arnel Gacutan, pangulo ng MVHAI, na nirerespeto nila ang NBI sa pagsampa ng kaso laban sa mga suspek dahil wala naman silang Karapatan na pigilan ito.
Nakipag-cooperate rin ang mga miyembro at opisyal ng homeowner association sa mga tauhan ng city hall at pulisya ng salakayin nito ang pangalawang illegal clinic sa may Multinational Avenue, nitong Sabado. Isang Chinese national ang nahuli sa raid.
- Latest