Baranggay chairman sa Caloocan itinumba ng 5 naka-face mask
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman sa Caloocan City matapos tambangan ng limang armadong salarin na sakay ng motorsiklo nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan police chief Police Col. Dario Menor, kinilala ang biktima na si Gally Dilao, chairman ng Barangay 151, Bagong Barrio.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, galing sa birthday celebration ng isang konsehal ang biktima.
Habang naglalakad ang biktima sa bahagi ng Progreso Street patungo sa barangay hall, sumulpot ang limang naka-face mask na lalaki bago siya pinagbabaril sabay takas sakay ng tatlong motorsiklo.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo ng krimen.
Sa Facebook page naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, ipinaabot nito ang pakikiramay sa pamilya ng biktima na aniya isa sa mga malapit niyang kaibigan.
“Ngayong umaga ay isang masamang balita ang bumungad sa atin matapos nating malaman ang walang habas na pagpatay kay Barangay 151 Chairman Gally Dilao,” pahayag ni Malapitan.
Sinabi ni Malapitan na labis niyang ikinalulungkot ang masaklap na pangyayari sa gitna na rin ng pandemya na dinaranas sa kanilang lungsod kung saan isa si Dilao sa aktibong naghahatid ng tulong sa mga mamamayan sa Brgy. 151.
Inatasan na ni Malapitan ang Caloocan City Police na magkaroon ng mabilisang imbestigasyon at panagutin ang mga salarin.
- Latest