Call center para sa seniors, itatatag sa Maynila
MANILA, Philippines — Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagtatayo ng call center na direktang tututok sa mga katanungan, problema at detalye ng mga senior citizens sa lungsod upang hindi na mahirapan pang magtungo sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens (OSCA).
Nais ni Moreno na ‘dial’ na lang sa numero ay makukuha na ang kasagutan na nais malaman ng senior citizen.
“Magkakaroon tayo ng call center para me-ron kayong matatawagan at di na kailangan magpunta ng city hall… mga katanungan ninyo, dun na masasagot. Ito ay para sa anumang uri ng concern ng senior citizens. Kung ang gobyerno ay di pa papayagan na magkita-kita, iisip tayo ng paraan kung paano mag-usap,” aniya.
Mas gusto ni Moreno na makipag-usap sa mga tao dahil ito lang ang paraan para sa kaniya na malaman kung paano pa mas mapapabuti ang serbisyo sa mga residente.
Inatasan din ng alkalde si OSCA head Marjun Isidro na i-update ang listahan ng senior citizens sa Maynila upang matukoy kung sino ang namayapa na o lumipat ng tirahan.
Kasabay nito, tiniyak din niya sa mga senior citizen na makukuha rin nila ng kumpleto ang monthly pension dahil target ng pamahalang lungsod na matapos sa loob ng 3-buwan ang activation at pamamahagi ng PayMaya cards na naglalaman ng P500 simula noong Enero.
- Latest