Kaso laban sa korap na barangay officials, ipaprayoridad ng DOJ
MANILA, Philippines — Ipaprayoridad ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo laban sa mga opisyal ng barangay na itinuturong umabuso sa distribusyon ng ‘cash subsidy’ na ibinibigay sa ilalim ng ‘Social Amelioration Program (SAP)’ ng pamahalaan.
Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kaniyang mga prosecutors na unahin ang kasong kriminal ukol sa SAP upang makapagsagawa agad ng ‘preliminary investigation’.
Dito mababatid kung may dahilan ba para isampa ang kaso laban sa mga opisyal ng barangay sa korte.
Unang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 23 barangay officials ang nahaharap na sa kasong kriminal dahil sa reklamo laban sa kanila ng kanilang mga kabarangay.
Bukod pa ito sa sari-saring reklamo sa iba’t ibang barangay na hindi na naisasampa sa korte.
Kabilang sa mga reklamo ang paghahati sa SAP sa iba’t ibang tao, puwersahang paghingi sa mga benepisaryo ng parte, paglilista sa mga hindi kuwalipikado at hindi pagbibigay sa mga nakatala sa listahan.
- Latest