Libreng sakay ng DOTr sa mga health workers magpapatuloy
MANILA, Philippines — Magpapatuloy ang pagbibigay ng libreng sakay ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa mga bayaning health workers sa bansa.
Ang proyekto ay hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi maging sa iba pang rehiyon sa bansa, kabilang ang regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, CAR at CARAGA.
Katuwang ng DOTr ang mga attached agency nito sa pangunguna ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Sa rekord ng DOTr, umabot na sa 698,374 ang total ridership ng programa, kung saan 141,114 ang total ridership sa NCR-Greater Manila habang 557,260 naman sa iba pang mga rehiyon.
Maaaring makita ang live location ng mga bus units habang binabaybay ang 20 ruta sa Greater Manila Area dahil sa mga naka-install na GPS location tracker devices sa mga bus.
Malalaman ng mga frontliners kung may paparating na bus at maging ang oras ng pagdating nito. Ito ay naging posible dahil sa koordinasyon ng kagawaran sa PLDT Enterprise, at Vectras Inc.
Malalaman din ang live location ng mga vehicle units, maging ang 20 ruta ng libreng sakay sa Greater Manila, sa website, at mobile app ng Sakay.ph.
Ayon sa DOTr, mana-navigate rin ang nasabing mga ruta sa google maps na mas madali para sa mga health workers na malaman kung saan maaaring i-avail ang nasabing libreng sakay.
Patuloy ding siniserbisyuhan ng DOTr ang mga medical workers na magmumula sa Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Stadium, Philippine International Convention Center (PICC), at World Trade Center.
- Latest