lllegal traders ng PPEs, minomonitor ng BOC
MANILA, Philippines — Habang kasalukuyang nakikipaglaban ang bansa sa nakamamatay na COVID-19, patuloy namang pinaiigting ng Bureau of Customs (BOC)-Intelligence Group (IG) ang pagbabantay sa mga tiwaling negosyante na nagsasamantala sa sitwasyon at nagbebenta ng mga overpriced na personal protective equipment (PPE) at medical supplies.
Nabatid na nagsasagawa na rin ng case build-up ang BOC, National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Trade and Industry (DTI) para idiin at panagutin ang mga personalidad na ilegal na nagbebenta ng mga medisina, na umano’y kayang gumamot ng COVID -19 infection.
Sa kanilang operasyon, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang BOC sa mga concerned agencies, gaya ng Philippine Coast Guard (PCG), DTI at NBI, sa pag-iimbestiga sa mga negosyanteng nagtitinda ng mga gamot na sinasabing lunas sa COVID-19, ngunit wala pang permiso sa Food and Drug Administration (FDA).
Iniulat ng BOC-IG na masusi nilang minomonitor ang sitwasyon sa iba’t ibang daungan at bina-validate ang mga ulat hinggil sa mga ipinupuslit o smuggled na PPEs at medical supplies, na mataas ang demand ngayon dahil sa pandemic.
Sa loob lang ng isang linggo, o mula Marso 25 hanggang Marso 31, sinalakay ng BOC-IG ang tatlong medical supply stores sa Maynila at nakumpiska ang tinatayang P20 milyong halaga ng PPE at medical supplies.
- Latest