Liquor ban sa Parañaque, patuloy hangga’t may lockdown
MANILA, Philippines — Hindi pa aalisin ang liquor ban sa Parañaque City hanggat umiiral pa ang enhanced community quarantine (ECQ) na pinalawig hanggang Mayo 15, ayon kay Mayor Edwin Olivarez.
Kasunod ito nang naging anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ng umaga sa pagpapalawig ng ECQ kabilang ang National Capital Region (NCR).
Iginiit ng alkalde na ang pagbabawal sa lahat ng uri ng alcoholic drinks sa panahon ng ECQ ay upang sawatahin ang mga nagpaplanong mag-inuman at magtipun-tipon sa kalye at sa ibang lugar na pagbalewala sa social distancing.
Mas mahalaga aniya, na mapahinto ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 at isantabi muna ang hirit ng ilan kabilang ang naging apela ng Center for Alcohol Research and Development (CARD) sa gobyerno na i-lift na ang ban sa alak sa ilang siyudad sa Metro Manila at lalawigan sa gitna ng lockdown. Dismayado si Olivarez dahil may mga residente ng lungsod na hindi sumusunod sa ipinatutupad na ECQ protocol.
Kahit may curfew, may mga dayuhan sa bansa na nakikita sa ilang public place at hotel na umiinom ng beer at iba pang alak.
- Latest