COVID patients sa Mental Hospital 18 na, 2 patay
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng pamunuan ng National Center for Mental Health (NCMH) na nakapagtala na sila ng 18 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), at dalawa sa mga ito ang binawian ng buhay.
Ayon kay NCMH chief administrative officer Clarita Avila, kabilang sa mga nabiktima ng sakit ay anim na psychiatric patients at 12 hospital staff.
“We have 12 employees na positive and six psychiatric patients na positive. Unfortunately, ‘yung dalawa namatay na,” ani Avila, sa panayam ng isang radio station ngunit di tinukoy kung hospital staff o kung pasyente ang binawian ng buhay.
Sa kasalukuyan din aniya, 30 porsiyento na ng kanilang staff ay hindi na pumapasok dahil ikinukonsidera na silang patients under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs).
Ang iba naman aniya ay naka-lockdown dahil walang transportasyon habang ang iba ay maaaring natatakot na pumasok dahil sa kakulangan nila ng supplies upang protektahan ang kanilang sarili.
Ani Avila, 228 na ng kanilang mga staff ang itinuturing nang PUIs habang 139 naman ang ikinukonsiderang PUMs.
Lahat aniya sila ay nananatili na sa kani-kanilang tahanan at naka-quarantine.
Samantala, may 11 psychiatric patients ang itinuturing na PUIs, at nananatiling naka-admit sa NCMH.
Inilipat na aniya ang mga ito mula sa Pavilion 28 patungo sa Pavilion 7, dahil nagpasya ang pangasiwaan na i-lockdown ang Pavilion 28 matapos ang kumpirmasyong may mga COVID-19 cases na sa pasilidad.
Related video:
- Latest