4 huli sa curfew, nakuhanan ng shabu
MANILA, Philippines — Apat na katao na kinabibilangan ng isang babae at tatlong lalaki ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa ipinatutupad na curfew na nang kapkapan ay nakuhanan pa ng shabu sa Cubao, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang apat ay nakilalang sina Grace Pineda, 26; Ronald Valencia, 36; Marvin Santiago, 29 at Daniel Pamplona, 30.
Ayon sa report dakong alas-9:45 ng gabi habang nagpapatrulya ang mga pulis sa Illinois Street nang mapansin nila ang apat na nakatambay at nagkukuwentuhan sa kalsada.
Sinita ng mga awtoridad ang apat dahil sa paglabag sa curfew hours at hiningian sila ng identification card (ID).
Pero sa paghugot ng isa sa apat ng kanyang ID sa bulsa ay sumabit ang isang maliit na plastic sachet kayat kinapkapan na silang lahat at nakuha pa ang 11 plastic sachets na may lamang hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P78,000.
Agad na dinala sa himpilan ng pusliya ang apat na ngayon ay nahaharap sa kasong possesion of illegal drug at paglabag sa curfew hour.
- Latest