Maintenance work ng Meralco, sinuspinde
MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na pansamantala na muna nilang sinususpinde ang mga nakatakda nilang maintenance work habang umiiral ang community quarantine sa Metro Manila.
Ayon sa Meralco, ang suspensyon sa lahat ng kanilang aktibidad ay tatagal hanggang sa April 14, 2020.
Anang Meralco management, ipinaalam na nila sa Department of Energy (DOE) ang naturang hakbang ay agad naman inaprubahan.
Kabilang sa mga suspendido ang maintenance activities sa ilang bahagi ng Metro Manila at Bulacan na kinabibilangan ng San Ildefonso, San Miguel at Doña Remedios Trinidad, gayundin ang Candaba, Pampanga.
Kanselado rin ang maintenance work sa Pasay City, na kinabibilangan ng line reconductoring works sa St. Augustine at St. Francis Sts. sa Maricaban, Pasay City; at San Pedro, Laguna at Bayan-Bayanan sa Estrella Barangay Road sa Barangay Estrella, San Pedro, Laguna at iba pang bahagi ng Luzon.
Bunsod nito ay hindi na muna makakaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa mga nabaggit na lugar.
Tiniyak naman ng Meralco na muli nilang itutuloy ang kanilang mga maintenance activities kapag inalis na ang community quarantine na umiiral sa bansa.
Ang mga maintenance work ay may layuning mapabuti pa ang serbisyo ng Meralco sa kani-kanilang mga kostumer.
- Latest