Water allocation sa Metro Manila, balik na sa normal-NWRB
MANILA, Philippines — Itinaas at naibalik na ng National Water Resources Board (NWRB) sa normal ang water allocation ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon ito kay Executive Director Sevillo David Jr ng NWRB kasabay nang pagsasabing bunga ito ng pagtaas ng demand sa tubig ng mga taga-Metro Manila at karatig lalawigan dahil na rin sa palagiang paggamit ng tubig lalo na sa paghugas ng kamay na isang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na COVID- 19.
Ayon kay David, mula March 12, 2020 ay itinaas na ng ahensiya at naibalik na nila sa 46 cubic meters per second ang water allocation ng Maynilad at Manila Water na isusuplay sa mga water consumers mula sa dating 42 cubic meters per second.
Sinabi ni David na kaya pang pangalagaan ng water level ng Angat dam ang pangangailangan sa tubig ng mga taga-Metro Manila hanggang sa sumapit ang panahon ng tag-ulan.
“Kahapon nasa 200 meters pa naman ang water level sa Angat so kaya pa niyang punuan ang needs sa suplay ng Metro Manila hanggang sa mag tag-ulan”, pahayag ni David.
Anya ang La Mesa dam naman ay maaaring mapagkunan din ng suplay ng tubig pero ito ngayon ay nananatiling buffer stock at hindi pa kailangan.
Niliwanag din ni David na dahil sa ginawa nilang pagtataas sa water allocation ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water, magiging minimal na lamang o ‘di kaya’y hindi na mararanasan ang pagkakaroon ng water interruption sa maraming lugar sa Kalakhang Maynila.
- Latest