Chinese nasagip: 3 kidnaper timbog
MANILA, Philippines — Nailigtas ng mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Chinese habang tatlo namang kidnappers na kalahi nito ang nasakote sa isinagawang rescue operation sa isang hotel sa Parañaque City, ayon sa opisyal kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ni PNP-AKG Luzon Field Office Chief Police Lt. Colonel Villaflor Bannawagan ang nasagip na bihag na si Li Zihong, 20.
Arestado naman ang mga suspect na sina Huang Ya Jian, 29; Liang Bin, 33 at Li Wei, 38.
Bandang ala-1:45 ng madaling araw kamakalawa, ayon sa opisyal nang masagip ang bihag sa isa sa silid sa isang kilalang casino hotel sa lungsod.
Bago ito ay nakatanggap ang PNP-AKG ng tawag sa telepono mula sa Operation Manager ng hotel hinggil sa insidente ng kidnapping.
Sa salaysay ni Feilong Hu, kaibigan ni Zihong, ang biktima ay pinigil ng mga suspect sa isang silid sa nasabing hotel kung saan ang mga kidnappers na kapwa nito Chinese ay humihingi ng P1 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng bihag.
Sa salaysay ng biktima, naglalaro umano siya ng casino noong Pebrero 21 nang lapitan ng mga suspect at alukin ng isang milyong casino chips nang matalo ang P500,000 ay huminto na ang biktima sa paglalaro at isinoli ang kalahati sa kanyang hiniram.
Ang biktima kasama ang kaibigan nitong si Feilong Hu ay dinala ng mga suspect sa Long Man VIP room para bayaran agad ang balanse .
Pero sa kabila na nabayaran na ang nautang na pera ay sinundan ng mga suspect ang biktima sa tinutuluyan nito sa nasabing hotel kung saan ito pinigil, tinakot na papatayin at pilit na hinihingan ng ransom kaya napilitan si Zihong na humingi ng tulong sa PNP-AKG na nagresulta sa pagkakasagip sa bihag.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal sa detention cell ng PNP-AKG ang mga nasakoteng dayuhang kidnappers na nahaharap sa kasong kidnapping with ransom.
- Latest