Obrero nabuhusan ng kumukulong tunaw na bakal, patay
MANILA, Philippines — Agad na nasawi ang isang obrero makaraang mabuhusan ng kumukulong tinunaw na bakal sa loob ng kanilang kompanya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Edgardo Obzunar, 45, scrap charger sa loob ng 8th MGM Industrial Compound at nakatira sa Mindanao Avenue, Brgy. 166 Kaybiga, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente sa loob ng Fumice Area 5 ng kompanya ni Obzunar sa may Mindanao Avenue Extension, ng nabanggit na barangay dakong alas-7 ng gabi.
Ayon kay Carlo Riego, 24, nag-ooperate siya ng crane sa loob ng steel compound nang makarinig ng ingay sa puwesto ni Obzunar. Nang kaniya itong puntahan, nakita niya ang katawan ni Obzunar na hindi na kumikilos at puno ng tunaw na bakal. Agad nilang binuhusan ng tubig ang katawan ng biktima saka humingi ng tulong sa mga otoridad.
Wala nang buhay ang biktima nang dumating ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) makaraang humingi ng tulong at tumawag sa Emergency 911 ang mga katrabaho.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matiyak na walang foul play na naganap sa insidente at malaman ang posibleng pananagutan ng kumpanya ng biktima na may kaugnayan sa kaligtasan ng mga empleyado.
- Latest