Citizens arrest vs pasaway, bastos na mga dayuhan
MANILA, Philippines – Upang mapabilis ang pag-aresto laban sa mga walang disiplina at mga bastos na banyaga, inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na maaari ang mga itong isailalim sa citizens arrest.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, maaring hulihin ng mga netizens ang mga banyaga na naaktuhan ng pambabastos, lumapastangan at lumalabag sa ordinansa tulad ng pag-ihi , pagdumi sa mga historical site gayundin ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at iba pa.
“Puwede (citizen’s arrest) kung kaya ninyong i-accost at kung sa tingin ninyo ay safe naman kayo, dadalhin niyo sila, puwede dalhin sa Barangay, hinuli po namin dahil may violations”, pahayag ni Banac at maaari ring iturnover sa mga himpilan ng pulisya.
Ginawa ni Banac ang pahayag kasunod ng isang dayuhang hinihinalang Chinese na nag-viral sa facebook matapos na makunan ng larawan na dumudumi sa malaking flower pot sa Baluarte de Dilao sa Intramuros, Manila na ipinoste ng isang Dos Alvarados sa kaniyang facebook account.
Samantalang apat na Chinese looking na mga lalaki ang nakita namang umiihi sa kahabaan ng Ayala Avenue sa Makati City noong linggo.
Gayunman, sinabi ni Banac na para sa proteksyon na rin ng mga netizen’s ay mas makabubuting tawagin nito ang mga Brgy. Tanod o mga opisyal ng Barangay para ‘person in authority ‘ talaga ang umaresto sa mga bastos at lumalabag sa ordinansang mga dayuhan.
Ayon kay Banac ay may mga miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa lugar at maging mga traffic aide ay maari ring magsumbong sa mga ito ang mga netizens.
“Kung kayo naman ay 2 or 3 tao na concerned citizens at isa lang siya (dayuhan) kaya niyo dalhin ito sa police station puwede yung citizen’s arrest”, pahayag ni Banac.
Binigyang diin pa ng opisyal na dapat maturuan ng leksyon ang mga pasaway na dayuhan lalo na ang mga naglalapastangan o nambabastos sa ‘historical site.
- Latest