Mister patay sa 3 maingay na kapitbahay
MANILA, Philippines — Patay ang isang mister matapos pagtulungan na bugbugin at saksakin ng kanyang tatlong kapitbahay na kanyang sinaway sa pag-iingay sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay nasawi habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ay nakilalang si Brian Cabatingan, 40, residente ng Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills.
Samantala, nakatakas naman ang mga suspek na kinilalang sina Paquito Dionisio Jr., Jonathan Dela Torre, alyas Jojo at Mark Pingkian, pawang kapitbahay ng biktima, matapos ang isinagawang krimen.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong als-3:15 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tahanan mismo ng biktima.
Nauna rito, nairita umano ang biktima dahil sa madaling araw na ay nag-iingay pa ang mga suspek na nasa harapan ng kanyang bahay kaya’t sinaway at pinagsabihan niya ang mga ito.
Hindi naman nagustuhan ng mga suspek ang ginawa ng biktima kaya’t pinagtulungan nila itong bugbugin at saksakin sa dibdib, bago mabilis na nagsitakas.
Isinugod pa ng kanyang mga kaanak ang biktima sa Mandaluyong City Medical Center ngunit malaunan ay inilipat rin sa East Avenue Medical Center, ngunit binawian rin ng buhay pagsapit ng alas-12:00 ng tanghali.
Subject ngayon sa ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad ang tatlong salarin.
- Latest