Ilang paliparan ‘di pinaligtas ni ‘Ursula’
MANILA, Philippines — Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na may mga paliparan na nagtamo ng malaking sira o pinsala dulot ng bagyong si Ursula.
Sa isang pagpupulong ng CAAP at mga stakeholders kahapon binigyan na ng una ng go signal ang pagpapatuloy ng domestic operation sa mga nakanselang airlines para sa kanilang recovery flights sa mga pasaherong naapektuhan ng kanselasyon.
Sa kabila ng mga pinsala sa Kalibo International Airport, ang domestic arrival at check-in area ng pasahero sa terminal building (PTB) ay maaari pa ring magamit.
Sa kabutihang palad, ang runway at tower facility ay hindi napinsala.
Ang international airport operations ay suspendido kahapon habang ang clearing operations ay on-going sa domestic at sa international passengers terminal building.
Nag-abiso ang CAAP, ng notice to airmen o NOTAM B5554 / 19 na pagsuspindi sa international airport operations mula kamakalawa 25 Disyembre (5:53) at ngayon 27 Disyembre (7:59) dahil sa terminal building clearing at restorations.
Ang Roxas Airport ay kasalukuyang fully operational ngunit ang komunikasyon ay na-downgrade na sa advisory service mula sa karaniwang aerodrome control tower communications. Dahil sa sira ng control tower building ang airport ay magbubukas lamang ng operasyon sa umaga at wala sa gabi.
Ang San Jose Airport naman ay nagtamo ng may 30% pinsala at ngayon ay sumasailalim sa clearing operations. Ang flight operations ay ipagpapatuloy sa Sabado, Disyembre 28, 2019.
Ang Tacloban airport ay bumalik na sa normal operations matapos ang agarang clearing operation ng joint CFR Terminal, ground medical at airport staff.
Iba pang mga paliparan sa Silangang Visayas tulad ng Catarman, Calbayog, Ormoc, Guiuan, Catbalogan, Biliran, Hilongos, Borongan at Mason ay walang pinsala at operational ito.
Ang Caticlan Airport ay isinara para sa clearing at inspection pero ngayon ay balik operasyon na.
- Latest