Ruta ng traslacion mababago- MPD
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng Manila Police District na posibleng mabago ang ruta ng traslacion sa Enero 2020.
Ito ang lumabas sa pagpupulong ng mga kinatawan at organizer sa isasagawang traslacion ng Itim na Nazareno sa susunod na buwan.
Ayon kay MPD Director P/Brig.General Bernabe Balba, puspusan na ang kanilang paghahanda kasama ang mga kinatawan ng Basilica Menor ng Quiapo para sa maayos na traslacion.
Nabatid na posibleng ibalik sa orihinal na ruta ang traslacion kung saan idadaan sa Ayala Bridge sa halip na sa Jones Bridge na dati nitong ruta.
Matatandaan na McArthur Bridge ang daan ng Traslacion subalit pansamantalang binago noong 2014 base sa rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways dahil sa humihinang pundasyon nito.
Ayon kay Balba, hindi na aniya ligtas para sa milyung-milyong deboto ang tulay ng Jones Bridge dahil hindi na nagbigay ng clearance ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayunman, tuloy pa rin ang tradisyon na pahalik isang araw bago ang traslacion sa Quirino Grandstand.
Kamakailan lamang ay isinagawa ang inagurasyon sa Jones Bridge matapos itong irestore at ibalik ang La Madre Filipina na nasira noong panahon ng pangalawang digmaan.
- Latest