P2.5 bilyon shabu nasamsam sa Chinese drug lord
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) matapos masakote ang isang high value target (HVT) na drug trafficker kasunod ng pagkakasamsam sa P2.522 bilyong halaga ng droga sa isinagawang anti-drug operation sa Makati City, Martes ng gabi.
Kinilala ni PDEG Director Colonel Romeo Caramat Jr., ang nasakoteng suspect na si Liu Chao, Chinese national.
Sinabi ni Caramat na nakumpiska mula sa suspect ang 371 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P 2.522 bilyon.
Bandang alas-11:45 ng gabi, ayon sa opisyal ng isagawa ang anti-drug operation laban sa suspect sa Banoyo Street, Brgy. San Antonio, Makati City.
“Follow up investigation is being conducted to determine extent of network of the suspect and bring to justice all possible cohorts”, anang opisyal na pinangunahan ang nasabing operasyon.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni PNP Officer in Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang matagumpay na anti-drug operation ng PDEG laban sa isang high value target na Chinese drug trafficker.
Sinabi ni Gamboa na ang naarestong Chinese ay isang bodegero at ang kaniyang supply ay nagmumula sa iba’t ibang sources.
“We have not really found out kung paano nakapasok sa bansa, kasi ‘yung iba nga nakalagay pa sa mga malalaking maleta. We are still trying to find out kung paano ito nakarating d’yan sa apartment sa Makati wala na talaga laboratory”, paha-yag ni Gamboa na sinabing ang pagkakaaresto sa suspect ay bunga ng masusing surveillance operations.
Inihayag pa ni Gamboa na wala nang namomonitor na shabu laboratory ang PNP at patuloy rin nilang inaalam kung ang mga nakumpiskang droga ay mga high grade na shabu.
Samantala sa isa pang operasyon, umaabot sa P115. 6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska habang nasakote naman ang dalawa pang drug traffickers sa follow-up operations sa C5 Extension, Brgy. Manuyo, Las Piñas City nitong Miyerkules ng umaga.
Nakilala ang mga nada-kip na sina Joel Bustamante at Merwin Bustamante; pawang ng Tenejeros, Malabon City.
Bandang alas-6 ng umaga nang magsagawa ng follow-up operation ang PDEG sa pakikipagkoordinasyon sa Las Piñas City Police sa parking lot ng C5 Extension, Brgy. Manuyo ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa opisyal ang pagkakaaresto sa mga suspect ay bahagi ng follow-up operations matapos namang masakote ang big time Chinese drug trafficker na si Chiao sa lungsod ng Makati .
Nakumpiska mula sa mga suspect ang kabuuang 17 plastic packs ng green tea bags na naglalaman ng shabu ng tumitimbang ng 17 kilo at nagkakahalaga ng P115.6-M.
- Latest