Tagaan sa tomaan: 2 sugatan
MANILA,Philippines — Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang lalaki habang isa pa ang sugatan makaraang biglang managa ang kanilang kapitbahay habang masayang nag-iinuman naganap sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng tama ng saksak at taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Marc Ryan Laggui, 24, may live-in partner, technician, at nakatira sa No. 11 Homelidad, Brgy. Marulas habang nagtamo ng sugat sa kamay si Emmanuel Melano, 24, at nakatira sa No. 367 Matiyaga St., Pinalagad, Brgy. Malinta, ng naturang lungsod.
Nadakip ang suspek na si Anthony Junsay, 33, binata at nakatira sa Matipuno St.,, Pinalagad, Brgy. Malinta, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, nag-iinuman ang mga biktima kasama ang ibang kalugar sa may Area 3 Pinalagad, Brgy. Malinta, dakong alas-9 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek na si Junsay na armado ng itak at patraydor na sinaksak buhat sa likuran si Laggui at pinagtataga.
Tinangkang umawat ni Melano ngunit maging siya ay nataga ng suspek sa kamay. Naawat ng ibang kalugar ang suspek na mabilis na tumakas.
Isinugod ang dalawang biktima sa Valenzuela City Medical Center habang naaresto si Junsay ng mga tauhan ng Police Community Precinct 4 sa ikinasang follow-up operation. Narekober din ang itak na kanyang ginamit sa krimen na may habang 17-pulgada.
- Latest