15 bagong PUV, itinurn-over ng DOTr sa Pasang Masda
MANILA, Philippines — Labinglimang bagong unit ng jeepney ang itinurn-over ng Department of Transportation (DOTr) sa grupong Pasang Masda kahapon, na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Mismong si DOTr Sec. Arthur Tugade ang nagbigay at nanguna sa ceremonial turn over sa nasabing mga bagong sasakyan.
Magkatulong na ininspeksyon nina Tugade at Pasang Masda President Ka Obet Martin ang mga makabago, komportable at environment-friendly na jeepneys, na ilulunsad sa publiko.
Ilan sa mga features ng mga ito ay ang global positioning system (GPS), closed-circuit television (CCTV), libreng internet connection, automated fare collection system, at side entrance.
Nabatid na ang mga nasabing modern jeeps ay tatakbo sa rutang Nichols-Magallanes-Mall of Asia-PITX at pabalik.
Samantala, muli namang nilinaw ng DOTr na layunin ng programa ng pamahalaan na ayusin ang sistema ng pampublikong transportasyon, palitan ang mga lumang jeep ng mga makabago at roadworthy na unit, tumulong makabawas sa polusyon sa ating kapaligiran, iangat ang antas ng kabuhayan ng mga PUV operator at driver, at gawing mas ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga commuter.
- Latest