Kidnaper ng paslit, timbog
MANILA, Philippines — Natimbog ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang isang babae na dumukot sa isang 4-anyos na batang babae na nailigtas din ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi sa Baclaran, ng naturang lungsod.
Nagpakilala ang nadakip na suspek na si Marian Berdino, 45, walang trabaho at nakatira sa Pulang Bato, Masbate City, Masbate.
Naibalik naman sa kaniyang ama na si Hashim Sangka, ng GG Cruz St., Brgy. Baclaran, Parañaque, ang dinukot na paslit.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:30 ng gabi ay naglalaro sa kalsada ang paslit sa tapat ng kanilang bahay nang biglang hatakin at kargahin ng suspek na mabilis na lumayo sa lugar. Masuwerteng nakita ang pangyayari ng saksing si Fatima Sangka, isang vendor, at nakilala ang bata.
Agad na humingi ng tulong si Fatima sa mga pulis na nasa lugar na mabilis na hinabol ang suspek hanggang sa makorner at maaresto.
Sa loob ng istasyon, paiba-iba ang sinasabi ng suspek kung bakit niya tinangay ang bata.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nahuling mandurukot ng bata sa Baclaran.
Marso ng kasalukuyang taon, isang 19-anyos na babae rin ang nadakip nang dukutin ang isang limang taong gulang na batang lalaki.
Nang isailalim sa masusing imbestigasyon, inamin kinalaunan ng babae na balak niyang dalhin ang bata sa Bulacan para pagtindahin ng sampaguita o gamitin ng sindikato ng droga.
- Latest