Grocery store hinoldap: Sekyu at merchandiser, dedo
MANILA,Philippines — Isang security guard at isang merchandiser ang nasawi nang barilin ng mga holdaper na nanloob sa pinagtatrabahuhan nilang grocery store sa Brgy. Holy Spirit sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Reymond Dag-ay, 32, security guard, ng Brgy. Commonwealth at Romeo Econal, 35, merchandiser, residente ng Besang Pass Road Veterans Village, Brgy. Holy Spirit, sa Quezon City.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng Express Lane Minimart, na matatagpuan sa Kapalaran Road, Veterans Village, sa Brgy. Holy Spirit.
Abala umano ang mga tauhan ng naturang grocery store sa pagtatrabaho nang bigla na lang dumating ang limang suspek, na pawang armado ng iba’t ibang kalibre ng baril.
Apat sa mga suspek, ang kaagad na pumasok sa tindahan, habang ang isa pa ay naiwan sa labas at nagsilbing lookout.
Kaagad umanong binaril ng mga ito ang guwardiya na tinamaan sa dibdib habang tinangka naman umano ni Econal na manlaban ngunit binaril siya sa ulo, kaya’t mabilis na nagtago ang cashier at manager ng tindahan.
Pinuntahan naman ng mga suspek ang cash registrar at tinangkang buksan ngunit nabigo sila, kaya’t kaagad na lamang na tumakas sakay ng tatlong motorsiklo, habang naiwan pa ng mga ito ang dalang backpack na plano sanang paglagyan ng mga pera na makukuha nila mula sa grocery store.
Isinugod pa sa pagamutan ang mga biktima ng mga rumespondeng pulis ngunit binawian din ng buhay ang mga ito kahapon ng umaga.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow up operation ang mga awtoridad para maaresto ang mga salarin at mapanagot sa krimen.
- Latest