‘Red Team’ binuo ng NCRPO
MANILA, Philippines — Tuloy ang pagdisiplina ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa kanilang mga tauhan sa pagtatatag ng ‘Red Team’ na magbabantay sa mga pulis na naglalaro ng Golf at pagpapatupad ng sorpresang drug test.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni NCRPO director P/Brig. Gen Debold Sinas na dalawang ‘red team’ ang kanyang binuo na mag-iikot sa mga golf courses sa Metro Manila upang bantayan ang kanilang mga tauhan na lalabag sa kautusan ng pagbabawal sa paglalaro ng Golf.
Makikipag-koordinasyon ang NCRPO sa pamunuan ng mga golf courses para makapasok ang mga undercover nilang pulis na hindi naman gagawa ng gulo dahil sa kukuha lamang ng litrato.
Direkta ring mag-uulat kay Sinas ang mga bumubuo sa ‘red team’ na dati rin niyang mga kasama sa Central Visayas.
Una nang ipinag-utos ni PNP officer-in-charge P/Lt Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagbabawal sa lahat ng kanilang tauhan at opisyal na maglaro ng Golf tuwing weekdays” at maaari naman kung Sabado at Linggo kung talagang “sport” nila ito.
Samantala, kahit na sorpresa, inihayag din ni Sinas na magsasagawa siya ng drug test tuwing magsasagawa siya ng inspeksyon na hindi niya sasabihin kung kailan at saan.
Kung sino umano ang mga naka-duty ay dapat magpakita at magpa-drug test at kung hindi susulpot ay papatawan ng kasong AWOL (Absent Without Leave).
Ito ay makaraan na isang bagitong pulis sa Manila Police District (MPD) ang natagpuang positibo sa paggamit ng marijuana nitong nakaraang Oktubre 21.
- Latest