Kolumnista ng Remate tinambangan sa Pampanga, patay
MANILA, Philippines — Nasawi sa pamamaril ang isang manunulat ng diyaryong Remate habang nagmamaneho sa Arayat, Pampanga, Linggo ng gabi.
Lulan ng isang Nissan Almera si Jupiter Gonzales, na isang kolumnista, habang kasama ang isa pang lalaki na pinangalanan bilang Christopher Tiongson.
Ayon sa spot report na isinumite sa Presidential Task Force on Media Security ni Police Lt. Col. Dale Soliba, hepe ng Arayat Municipal Police Station, patungo sana ng Olongapo-Gapan Road sina Gonzales at Tiongson nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek bandang 10:30 p.m.
Bilang resulta, sumalpok ang kotse sa isang plant box sa gilid ng kalsada.
Agad na isinugod si Gonzales sa Arayat District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival, ayon kay Police Corp. Lawrenz Perez na investigator on case.
"Lubhang ikinalulungkot at kinukundena ng Presidential Task Force on Media Security ang pagpatay kay Jupiter Gonzales," ayon sa PTFoMS sa isang pahayag.
Kilala si Gonzales sa kanyang pagbatikos sa mga iligal na pasugalang umiiral sa mga peryahan.
"Tinitignan ng PTFoMS bilang may kaugnayan sa trabaho ang anumang karahasan laban sa media, hanggang mapasinungalingan ng imbestigasyon," dagdag ng ahensya.
Kontrolado na raw ng task force ang sitwasyon at malapit na nakikipag-ugnayan sa mga otoridad.
Pinapapaspasan na rin ni Undersecretary Jose Josel Sy Egco, executive director ng PTFoMS, ang imbestigasyon at sinabing siya mismo ang mangunguna sa team na tutungo sa lugar ng pinangyarihan.
Si Egco, tulad ni Gonzales, ay kolumnista rin ng Remate.
- Latest