Mas mataas na burial assistance sa Quezon City, aprub na!
MANILA, Philippines — Hindi na ngayon problema ang gastos sa pagpapalibing sa mga namayapa sa Quezon City.
Ito ay makaraang aprubahan ng QC Council ang ordinansang isinulong ni QC district 5 Councilor Allan Butch Francisco na naglalaan ng mas mataas na halaga ng libreng disenteng funeral services para sa mga yumaong mahal sa buhay sa lungsod.
Sa ilalim ng napagtibay na ordinansa, pagkakalooban ng burial assistance na umaabot sa P25,000 ang namatayan mula sa dating P10,000 na naipagkakaloob para dito ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Francisco na tutugunan ng ordinansa ang pangangailangan ng mga mahihirap na residente ng QC sa panahon ng pagkawala ng kanilang mahal sa buhay .
Anya ang pagkamatay ng miyembro ng pamilya ay may kaakibat na malaking gastusin kayat sa pamamagitan ng ordinansa ay masusustinahan na ang kanilang pangangailangan para balikatin ang gastos sa pagpapalibing ng namayapang kaanak.
Kabilang sa libreng serbisyo sa libing ay ang embalsamo, kabaong, at libreng paglilibing sa city-owned cemetery ng QC.
Ang naturang programa ay pangangasiwaan ng Social Services at Development Department (SSDD) ng Quezon City.
Ang ordinansa ay bahagi ng plano ni QC Mayor Joy Belmonte na maitaas ang burial assistance para sa mga namayapang tagalungsod upang mapunan ang pangangailangan sa pondo ng mga naiwang kaanak para dito.
- Latest