Illegal structures sa Bilibid, dinemolis
Droga, armas, pera nasamsam
MANILA, Philippines – Bulto-bultong iligal na droga, armas, pera at iba pang iligal na gamit ang nakumpiska sa loob ng ‘maximum compound’ ng New Bilibid Prisons (NBP) sa ginawang sorpresang pag-demolis sa mga iligal na istruktura o mga kubol sa loob ng bilangguan, kahapon ng umaga.
Aabot sa 1,800 tauhan mula sa Bureau of Corrections (BuCor), National Capital Regional Police Office (NCRPO), Armed Forces of the Philippines (AFP), katuwang din ang Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Fire Protection, PNP Special Action Force, Bureau of Jail Management and Penology at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsanib-pwersa sa pagsasagawa sa operasyon.
Gumamit ang 65 tau-han ng DPWH ng 1 unit backhoe, 1 unit breaker, 4 units dump trucks, 1 unit boom truck, 1 unit air compressor, 2 units jack hammer, 1 set Oxy-Acetylene, 1 unit payloader, 2 units backhoe loader, 2 units bulldozer at iba-ibang equipments para magiba ang mga sementadong istruktura na ipinatayo ng mga mayayamang bilanggo.
Sinabi ni NCRPO Director P/Maj. Gen Guillermo Eleazar na patuloy pang nagsasagawa ng imbentaryo upang maisapinal ang dami at halaga ng mga nakumpiskang mga iligal na droga, armas, cellphones at pera. Bukod sa mga ito, nakakumpiska rin sila ng iba’t ibang electrical appliances, mga sex toys, at iba pang makinarya.
Suportado umano ng NCRPO ang mga hakbang ni BuCor Director General Gerald Bantag na malinis ang Bilibid at masawata ang mga pinuno ng mga sindikato na patuloy na nag-o-operate kahit na nakakulong na.
“We have created monsters hanggang sa tayo na ang natatakot sa mga taong ito habang tayo ang dapat nangangasiwa sa kanila,” pag-amin ni Eleazar.
Nangako naman si Bantag na magiging regular ang “random raids” sa NBP upang makumpiska ang mga kontrabando at masawata ang pagpasok nito.
“Kapag i-allow mo ang ganyang klaseng illegal structures na yan, diyan na sila nagtatago habang gumagamit ng mga cellphones at iba pang mga ipinagbaba- wal na kagamitan para hindi mo na makita,” ani Bantag.
- Latest