Ginang pinasok sa bahay, tinodas ng kapitbahay
Sa kabila ng pakiusap na huwag siyang patayin, natagpuang bangkay na at tadtad ng saksak ang isang ginang na wala ring saplot sa loob ng kanyang bahay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City Police chief, P/Col. Noel Flores ang biktima na si Florinda De Villion, 42-anyos, ng Laon Laan Street, Brgy. 31, ng naturang lungsod.
Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Jay-Ar Malano, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng pulisya, alas-7:30 ng gabi kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang ama na si Benjamin nang ihatid ang kanyang apo sa bahay ng anak. Nabatid na mag-isang naiwan sa bahay ang ginang dahil sa pumasok sa trabaho ang live-in partner na si Abe Pecayo habang nasa paaralan naman ang anak.
Isang kapitbahay ang nagsabi na narinig niya ang komosyon sa loob ng bahay ng biktima at narinig din ang ginang na nagmamakaawa na gawin na lahat sa kanya huwag lamang siyang papatayin.
Alas-2 kahapon ng madaling araw nang arestuhin ng mga tauhan ng Police Community Precinct 2 ang suspek na si Malano sa may Libertad Street sa Pasay City. Ito ay makaraang isang saksi ang nagsabi na nakita siya na may sugat sa kamay kaya naging target siya ng manhunt.
Inamin ng suspek ang nagawang krimen. Isinalaysay niya na alas-10 kamakalawa ng umaga nang pumasok siya sa bahay ng biktima at natiyempuhan na kalalabas lang ng banyo ng ginang na kaliligo lang. Sa kabila nito, iginiit ng suspek na hindi niya ginahasa ang biktima.
Nakaditine na ngayon ang suspek sa Caloocan City Police Detention Center at nahaharap sa kasong murder habang nakatakdang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para mabatid kung inabuso siya ng suspek. Inaalam din kung nasa impluwensya ng iligal na droga ang suspek nang gawin ang krimen.
- Latest