Rapper na si Loonie, 4 pa huli sa marijuana
MANILA, Philippines – Lima katao kabilang ang sikat na rapper na si Loonie ang dinakip ng mga tauhan ng Makati City Police sa isang buy-bust operation sa parking area ng isang hotel sa naturang lungsod, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nadakip na sina Marlon Peroramas, alyas Loonie, 33, rapper, at nakatira sa East Raya Gardens, Pasig City; David Rizon, 35; Ivan Agustin, 26; Idyll Liza Peroramas, 28 at Albert Alvarez, 57.
Sa ulat ng Makati City Police, alas-8:45 ng gabi nang ikasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ang buy-bust sa basement parking ng Herald Suites Polaris sa Polaris Street, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Nang magkabayaran para sa pagbili ng high-grade marijuana o mas kilala sa tawag na Kush, nagbigay na ng senyales ang buyer dahilan para sumulpot ang mga pulis at ipatupad ang pag-aresto sa lima.
Nakumpiska sa mga suspek ang 15 piraso ng self-sealing plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Kush na may halagang P105,000; P6,000 boodle marked money, isang Subaru SUV, at mga personal na gamit ng mga suspek.
Itinanggi naman ni Loonie na sa kanya ang naturang mga ilegal na droga ngunit iginiit ng pulisya na positibo sa pagtutulak ang suspek at mga kasamahan base sa mga ginawa nilang surveillance operation.
Nakilala si Loonie sa mga kanta niyang “Pilosopo at “Tao Lang”. Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article II Section 5 at 13 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest