‘Nutribun Program’ ibinalik sa Marikina
21K kinder at grade 1 pupils mabebenepisyuhan
MANILA, Philippines – Nasa 21, 000 pupils sa kinder at grade 1 sa Marikina City ang may libreng nutribun.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro, layunin niyang mabigyan ng tamang nutrisyon ang kanilang libu-libong mag-aaral kaya muli niyang binuhay ang ‘Nutribun program’.
Target ng lokal na pamahalaan ng Marikina na magkaroon ng ‘zero malnutrition’ sa kanilang lungsod hanggang sa susunod na taon, kaya’t nagpasyang buhayin ang ‘nutribun program,’ na pinondohan sa ilalim ng Special Nutrition Fund ng lungsod.
“We have monitored cases of malnutrition in schools. Sa public schools maraming under nourished, kaya ang intervention namin ay feeding program. By next year, we are targeting zero malnutrition. We believe that the Nurtibun program is the key to attaining this goal.” ani Mayor Teodoro.
Sinabi ng alkalde na ang kanilang nutribun ay tiyak na masustansiya dahil gawa ito sa malunggay, kalabasa, itlog at harina, at may nutritional content na angkop para sa lumalaking bata.
May kapartner din aniya itong gatas kaya’t tiyak na makatutulong ito upang maging malusog ang kanilang mga mag-aaral.
Nabatid na 120-araw matapos ang proyekto ay titimbangin ang mga batang nakinabang dito at aalamin ang kondisyon ng kanilang kalusugan, gayundin ay ia-assess ang kanilang performance sa paaralan.
Matatandaang ang nutribun program ay unang ipinatupad ng administrasyong Marcos noong 1971 upang tugunan ang tumataas na bilang ng malnutrition sa bansa.
- Latest