Mga bus sa EDSA babakuran
MANILA, Philippines — Pagkaraan ng mahigpit na pagpapatupad sa yellow bus lane sa EDSA, maglalagay ang Metro Manila Development Authority ng mga bakod para makontrol ang daloy ng mga bus sa EDSA.
Sinabi ni MMDA traffic czar Bong Nebrija na bahagi ito ng road diet proposal ng ahensiya na maglagay ng 7 metes para sa mga bus na dumadaan sa EDSA.
Ipinaliwanag ni Nebrija na ang pagbabakod sa bus lane ay isang paraan para ang mga lane na ito ay maging eksklusibo lang sa mga bus at dinidisiplina ang mga driver nito.
“Kailangan naming bakuran ang lane dahil hindi mo sila madidisiplina para mananatili sila roon. Mag-uunahan lang sila roon,” sabi pa niya.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Danilo Lim na magtatalaga sila ng takdang drop-off points para dito magsakay at magbaba ng pasahero ang mga bus sa EDSA.
“Alam ninyo naman ang mga city bus. Basta na lang sila titigil at magsasakay at magbababa ng pasahero kahit saan. Kaya plano naming bakuran ang bus lane pero magkakaroon tayo ng designated loading and unloading areas,” sabi ni Lim sa isang panayam sa Pateros.
Mahigpit nang ipinapatupad ng MMDA ang yellow bus lane nitong linggong ito dahil sinisisi nito ang mga city bus sa trapiko na dahilan para maglakad ang mga pasahero sa kahabaan ng EDSA.
Samantala, nagpahayag ng pagsuporta si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang panukalang patakaran na gawing institutionalize ang sistematikong pagpila ng mga pasahero sa mga lehitimong terminal at loading zone sa lungsod.
Sinabi ni Belmonte sa isang pahayag na sinusuportahan niya ang plano ni Quezon City traffic czar Ariel Inton na ipatupad ang systematic lines policy bilang bahagi ng pagsisikap na mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko sa mga lansangan.
- Latest