Panibagong MM shake drill, madaling araw gagawin
MANILA, Philippines — Muling magsasagawa ng Metro Manila Shake Drill ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at iba pang mga establisimiyento makaraang itakda ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa darating na Hulyo 27.
Ito ang inihayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia na nagsabing ang panibagong shake drill ay isasagawa alas-4 ng madaling araw upang makasali umano ang mas maraming publiko sa itinakdang petsa.
“If natutulog kayo, mag-a-alarm ang mga cellphone ninyo sa shake drill,” paalala ni Garcia sa publiko upang lahat umano ay makalahok dito.
Iginiit ng opisyal na hindi layon ng shake drill na takutin ang publiko sa posibleng pagtama ng malakas na lindol na tinatawag na “The Big One” kundi upang maging mulat at handa ang taumbayan lalo na kung tumama ito sa alanganing oras.
May kasunduan ang MMDA at National Telecommunications Commission (NTC) na magpapadala ang huli ng text message sa lahat ng cellphone users limang minuto bago ang shake drill.
- Latest