Erap posibleng makasuhan- DILG
Sa hindi maayos na pag-turnover sa mga dokumento sa Maynila
MANILA, Philippines — Posibleng sampahan ng kasong administratibo ng Department of Interior and Local Government (DILG) si dating Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Ejercito Estrada dahilan sa kabiguang maayos na i-turn-over ang mga dokumento ng pamahalaang lungsod sa tanggapan ng bagong alkalde na si Mayor Isko Moreno.
Sa press briefing, sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya, iniimbestigahan pa nila ang insidente at sa oras na mapatunayang may basehan ang reklamo ni Mayor Isko ay sasampahan ng kaso si Erap.
“If it is proven that if there was negligence on the part of Mayor Estrada to turn over the documents, we may, we will also consider filing charges against the former mayor,” ayon kay Malaya sa panayam ng DILG at PNP reporters.
Binigyang diin ni Malaya na responsibilidad ng outgoing Mayor na iorganisa ang maayos na transition team sa bagong Mayor hinggil sa mga dokumento at rekords sa humalili ritong administrasyon.
“Hintayin muna natin ‘yung result of the investigation kung ano ba talaga ‘yung nangyari,” anang opisyal.
Una nang ibinulgar ni Moreno na wala siyang natatanggap na transition documents mula kay Estrada.
Nabatid pa na inirereklamo rin ni Moreno ang umano’y pagsimot ng administrasyon ni Erap sa bilyong pondo ng lungsod.
Inihayag ni Moreno na binigyan siya ng isang piraso ng papel na may nakaimprintang “O” noong Lunes habang naghihintay na lamang siya ng ilang minuto para magtalumpati sa pamahalaang lungsod kaugnay ng pag-upo sa puwesto bilang bagong alkalde ng Manila City.
- Latest