52 timbog sa sunud-sunod na operasyon sa Pasay
MANILA, Philippines — Umabot sa 52 katao na hinihinalang sangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas ang dinampot ng mga tauhan ng Pasay City Police sa isang magdamag na operasyon kontra kriminalidad na inumpisahan nitong Miyerkules ng gabi.
Anim sa mga naaresto ay kabilang sa Drug Watchlist ng pulisya. Kinilala sila na sina Violeta Merano, 45; Eduardo Caraquil, 48; Rodolfo Ayuda Jr., 39; Paul Ryan Ronquillo, 40; Rodolfo Mendez Jr., 35; at Michael Gines, 39.
Sa inisyal na ulat, alas-8 kamakalawa ng gabi nang umpisahan ng pulisya ang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) sa lungsod at nagtapos ng alas-5 kahapon ng madaling araw.
Nakumpiska sa anim na nabanggit na drug suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Bukod pa sa anim, nasa 11 pang drug suspect ang nadakip, 32 ang lumabag sa mga ordinansa ng lungsod, isang lalaki na may dalang patalim at isa pa na may kasong estafa.
- Latest