Police Major timbog sa kotong
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang police major matapos itong ireklamo ng extortion ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa entrapment operation sa loob ng Camp Crame, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-IMEG Chief Col. Romeo Caramat Jr. ang nasakoteng opisyal na si P/ Major Raul Salle, nakatalaga bilang Deputy Chief ng Operations Management Division ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Alas-5:26 ng hapon nang masakote si Salle sa isinagawang entrapment operation sa loob ng Camp Crame sa aktong tinatanggap ang P412,120 mula sa nagrereklmong biktima na si April Ochenta.
Nag-ugat ang kaso noong Nobyembre ng nagdaang taon matapos na ireport ni Ochenta sa PNP-HPG na nakarnap ang kaniyang Mitsubishi Pajero kung saan si Salle ang tumanggap ng reklamo.
“But according to the victim, the subject officer asked her to pay P140,000 in order for them to start the investigation,” ani Caramat.
Gayunman, dahilan nabigo si Ochenta na maibigay ang halaga na hinihingi ni Salle kung saan ay inirekomenda nitong humiram muna ito ng pera sa isang sibilyang empleyado ng PNP-HPG na nagngangalang Alex.
Base sa imbestigasyon, humiram ng P70,000 ang biktima kay Alex kung saan ang behikulo ng nagrereklamo ang ginawang insurance o pang-prenda para mabayaran ang nasabing halaga.
Nabatid na ang nagrereklamo ay isang OFW na nagtratrabaho sa Canada kung saan nang isagawa ang transakyon ay paalis na ito sa bansa. Umuwi lamang ito dahil nais na mabawi ang kaniyang sasakyan pero tumanggi si Salle na ibigay ang behikulo kung hindi umano babayaran ang nasabing halaga.
Bunga nito ay nagreklamo at humingi ng tulong ang biktima sa PNP-IMEG kung saan dito na isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa kasong ito upang alamin kung may iba pang nabiktima ang nasabing opisyal sa kaniyang extortion racket at kung kasabwat nito sa katiwalian ang isang sibilyan ng PNP-HPG.
- Latest