PNP intel officer, itinumba ng tandem
MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding in tandem ang isang tauhan ng PNP-Intelligence Group sa kahabaan ng Boni Serrano Avenue sa Brgy. Bagong Lipunan, Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Calliao, hepe ng Cubao Police Station (PS) 7 ng Quezon City Police District (QCPD) ang nasawing biktima na si P/ Staff Sergeant Fernando Diamzon.
Si Diamzon ay galing sa Manila Police District (MPD) at kalilipat lamang sa PNP-Intelligence Group (PNP-IG) na nakabase sa Camp Crame.
Bandang alas-8:50 ng umaga nang mangyari ang insidente habang ang biktima ay lulan ng kanyang motorsiklo pauwi na sana sa kanilang bahay sa Tondo, Manila matapos mag-duty.
Nabatid na ang biktima at ang testigong si P/Senior Master Sgt. Ernesto Buenviaje na ka-buddy nito at kasamahan din sa PNP-IG ay magkahiwalay na nagmo-motorsiklo nang umatake ang riding-in-tandem.
Sa testimonya ni Buenviaje, dinikitan sila ng riding in tandem saka tinarget na paputukan ng anim hanggang pitong beses ang kaibigan bunsod upang sumemplang ang motorsiklong minamaneho nito.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng San Juan City.
Ayon kay Buenviaje, hindi siya nakabunot ng baril para gumanti ng putok dahilan nasa compartment ng kaniyang motorsiklo ang kaniyang baril.
Sinabi ni Calliao na iniimbestigahan na ang motibo ng pamamaslang sa biktima at inaalam kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho.
Sa teorya ng pulisya, sinabi ni Calliao na posibleng natiktikan ang biktima paglabas nito nang Camp Crame kung saan sinundan ito ng mga suspek at nang makakuha ng tiyempo ay pinagbabaril ito.
- Latest