Paglibre sa parking fee, giit ng Quezon City hall employees
MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga empleyado ng Quezon City hall sa executive department sa lungsod na huwag na silang isama sa ipinatutupad na parking fee system sa parking building na nasa loob ng compound ng city hall.
Ayon sa mga empleyado, malaking halaga din ang bayad sa parking fee kung susumahin sa 24 araw na pasok sa city hall.
Sa ilalim ng Ordinance SP 2676-201, sisingilin ng flat rate na P50 ang bawat empleyado na gagamit ng parking na magpapakita ng ID habang P30 per 3 hours at dagdag na P10 sa succeeding hour para sa mga taga-labas.
Kahapon, nanawagan si QC District 1 Councilor Alex Herrera na isuspinde ang implementasyon ng parking fee sa parking building dahil may ilang punto pa itong dapat masolusyunan.
Kapakanan anya ng bawat mamamayan ang nakasalalay dito kaya’t kailangang malinaw ang sistema na ipaiiral sa pagsingil ng bayad sa naturang parking building.
Sa debate sa QC council, giniit naman ni Majority leader Franz Pumaren na dapat ay mailibre na lamang ang paggamit ng mga empleyado ng QC hall sa parking building.
Pinaboran naman ni Presiding officer incoming QC Mayor Joy Belmonte ang request ni Herrera na suspendihin ang implementasyon ng naturang ordinansa.
- Latest