Trike driver sinaksak ng kalugar, bahay sinilaban pa
MANILA, Philippines — Isang tricycle driver ang nag-aagaw buhay nang pagsasaksakin ito ng kanyang kalugar kung saan sinilaban pa ng suspect ang kanyang bahay, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Ramil Ramos, 52, ng Brgy. Hulong Duhat ng nabanggit na lungsod.
Nasa custody naman ng pulisya ang suspek na nakilala sa pangalang JR Alcantara, 24.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap insidente ala-1:15 ng madaling araw sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid na natutulog ang biktima, nang pasukin at pagsasaksakin ito ng suspek at saka sinilaban ang kanyang bahay bago mabilis na tumakas si Alcantara.
Kaagad namang rumesponde ang mga bumbero, kung kaya’t mabilis naapula ang apoy habang mabilis namang isinugod ang biktima sa naturang ospital.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, nadakip nila ang suspek, na dinala sa himpilan ng pulisya.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng suspek sa ginawa nitong krimen.
- Latest