‘Tulak’ patay sa shootout
MANILA, Philippines — Isa na namang hinihinalang ‘tulak’ ng iligal na droga ang nasawi nang makipagbarilan sa mga umaarestong mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Inisyal na nakilala ang nasawi na si alyas Ian Demonyo, nasa pagitan ng edad 35-40 anyos, nakasuot ng asul na t-shirt at abuhing shorts.
Sa ulat ng Caloocan City Police Station, naganap ang insidente ng barilan dakong ala-1:10 ng madaling araw sa may Phase 7A Package 10 Block 15 Lot 2, Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Isang buy-bust operation ang ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Police Community Precinct 3 sa pangunguna ni P/Major Raymond Nicolas nang agad na makaramdam ang suspek na isang pulis ang kanyang katransaksyon.
Unang bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang kanyang katransaksyon na masuwerteng nakalayo at nakailag. Dito sumaklolo ang mga nakaantabay na mga pulis na pinaputukan ang suspek na duguang bumulagta.
Isinugod pa sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang suspek ngunit hindi na umabot pang buhay. Isang kalibre .38 na baril ang narekober ng mga pulis buhat sa suspek.
- Latest