Crisologo nahaharap sa 6 na kaso
MANILA, Philippines — Ipinagharap na ng mga kaso sa piskalya si mayoral candidate Vincent “Bingbong” Crisologo at anak nitong si Atty. Edrix, bunsod na naganap sa ‘scuffle’ sa pagitan nila at mga police officers na nagresponde sa reklamo ng vote buying sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City, kamaka-lawa ng gabi.
Ang kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 881 or Omnibus Election Code of the Philippines (vote buying and selling), obstruction of justice, unjust vexation, disobedience, resisting arrest, direct assault upon an agent of person in authority ay isinampa ng Quezon City Police District (QCPD) sa City’s Prosecutor’s Office laban sa mag-amang Crisologo.
Ayon kay QCPD Director P/Brig. General Joselito Esquivel Jr., may nagsumbong sa kanila na may nagaganap umanong ‘vote buying’ sa Brgy. Bahay Toro, kaya mabilis silang nagtungo sa lugar upang beripikahin ang sumbong at nang mabatid na positibo ang reklamo ay inaresto ang nasa 43-katao.
Habang dinadala sa istasyon ng pulisya ang mga inaresto ay dumating umano si Rep. Crisologo at anak nito ay tinatangka umanong pigilan ang mga pulis sa kanilang ginagawa kaya nagkaroon ng sigawan at mainitang pagtatalo na nagbunsod sa mga awtoridad na pinosasan at arestuhin din ang mag-amang Crisologo.
Sa ngayon ay pansamantalang pinalaya o released for further investigation ang mag-amang Crisologo base na rin sa rekomendasyon ni Assistant City Prosecutor’s Felomina F Apostol-Lopez na inaprubahan ni Senior City Prosecutor Manuel P. Felipe, Chief Inquest Division ng Quezon City.
Mariing itinatanggi ng mag-ama ang akusasyon ng vote buying sa kanila.
Nagtungo lamang umano sila sa lugar matapos na may tumawag sa kanilang taga-suporta at ipinagbigay-alam ang insidente nang pag-aresto sa kanilang mga watchers.
Laking gulat na lang umano nila nang habang inaalam ang mga kaganapan ay bigla na lang umanong dumating si Lt. Col. Alex Alberto, hepe ng Talipapa, Police Station 3 ng QCPD at kaagad silang inaresto at pinosasan.
- Latest