Marcos Bridge isasara sa loob ng 8 buwan
MANILA, Philippines — Inabisuhan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nakatira sa Eastern part ng Metro Manila sa mas matinding trapik dahil isasara ang Marcos Bridge sa Marcos Highway dahil sa walong buwang rehabilitasyon dito.
Inanunsiyo ito ni MMDA General Manager Jojo Garcia na unang isasara ang eastbound portion ng tulay.
“Simula 11pm sa Sabado, Mayo 4 ay isasara sa mga motorista ang eastbound direction ng Marcos Bridge sa loob ng apat na buwan,” ani Garcia.
Aniya, dapat ay noon pa nasimulan ang rehabilitasyon ng tulay at simula pa noong nakaraang taon ay inihihirit na ng private contractors ang iskedyul para maisaayos ito.
Ang mga sasakyang mula Antipolo ay maaaring dumaan sa westbound direction ng tulay habang ang mga papunta namang Cubao sa Quezon City ay maaaring dumaan sa service road sa harap ng mall.
Sinabi ni Garcia na sa susunod na apat na buwan ay ang kabilang bahagi naman ng tulay ang aayusin ng mga pribadong contractors ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hamon naman, ani Garcia sa pagsasara ng tulay, ang mga maaapektuhang trucks kaya’t inagahan ng ahensya ang truck ban hours ng 6am hanggang 10am mula sa dating 7am hanggang 10am.
- Latest