2 Super Health Centers, itatayo ni Oreta
MANILA, Philippines — Dalawang Super Health Centers ang ipatatayo ni Mayor Lenlen Oreta sa Malabon.
Katunayan, isinagawa na noong Marso 28, 2019 ang ‘ground-breaking’ ng unang SHC building sa lokasyon nito sa panulukan ng Gov. Pascual Avenue at Sanciangco St., sa Barangay Catmon.
Una sa dalawang SHC na pagaganahin sa lungsod, layunin ng pasilidad nito na ilapit sa Malabonians ang kahalintulad na serbisyo ng Out-Patient Department ng Ospital ng Malabon (OsMal).
Samantala, ikinagalak ni Mayor Oreta ang pakikipagtulungan ng Barangay Catmon sa proyekto na lubos na makatutulong sa mga pasyenteng mula sa district 1 ng lungsod.
Ayon kay City Health Officer Dr. Roberto Romero, ang SHC na tatawagin ding ‘Bulwagan ng Kalusugan’ ay handang magbigay ng basic laboratory tests na hindi naibibigay ng kasalukuyang mga barangay health centers sa mga nagpapatingin na pasyente.
“Magkakaroon ito ng X-ray, Ultrasound, ilang laboratory, dental at pharmacy services, habang magkakaroon din ito ng paanakan para sa mga buntis na pasyente,” dagdag pa ni Dr. Romero.
“Dahil rehistrado sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang bawat pasyenteng Malabonian ay makikinabang sa serbisyo bilang PhilHealth member beneficiaries,” paglilinaw din ng health officer.
Dahil isa sa mga prayoridad ni Mayor Oreta ang maayos na kalusugan ng Malabonian, plano niiya, aniyang itayo ang katulad na Super Health Center sa Barangay Potrero para sa mga pasyenteng taga-ikalawang distrito ng lokalidad.
- Latest